Sunday, 19 August 2018

Agoo, La Union

Mayo 5, taong 2018 ng masilayan ko ang angking ganda at kapayapaang taglay ng lugar na talagang masasabi ko na hindi ako pamilyar, ang Agoo, La Union. Bagong mga tanawin, ibat-ibang mga masasarap na pagkain, bagong mga salita ang maririnig mo at napakaraming bagong mga karanasan ang babaunin mo sa iyong pag-alis sa lugar na ito. 
Agoo, La Union Philippines
Alas dose na ng gabi, nasa loob ako ng kotse at nakatigil ang sasakyan sa harap ng Star Bucks Cafe. Nakararamdam na akon ng lula dahil sa amoy ng aircon at dahil na rin sa puyat. Sa isip-isip ko ay, bakit kaya hindi kami nagdirediretso sa La Union. Mahigit kumulang dalawampung minuto na kaming naghihintay ng may biglang tumawag sa kapatid ko sa labas ng kotse. Bumukas ang pinto ng kotse kung saan ako nakaupo at pumasok ang dalawang babae na sa tingin ko ay mga ka-opisina ng aking kapatid. Ipinakilala ako ng ate ko sa kanila dahil sa katunayan ay hindi naman ako iyong tipo ng tao na madaldal o makwento. Nginitian ko na lamang sila, hindi ko lubos akalain na magiging madali para sa akin ang pakikipagpalagayang-loob sa kanila dahil na nga sa noong una ay hindi ko naman sila kinakausap, pero dahil na rin sa tagal ng biyahe ay hindi ko maiwasang makinig at sagutin ang kanilang mga katanungan sa akin. Dito ko napatunayan na sila ay mababait at masayahing mga indibidwal. Alauna na, dahil na rin sa antok at lula na aking nadarama ay napagpasyahan ko na na, ipikit muna ang aking mga mata, tumulog saglit dahil alam ko na marami nanamang gagawin sa pagdating namin sa lugar na iyon.

Kinaumagahan ay nagising na lamang ako dahil sa paghinto ng aming sinasakyan. Akala ko ay andoon na kami pero wala pa pala. Umandar ulit ang aming sinasakyan at pagkalipas ng ilang minuto ay huminto ito sa isang kainan at doon na kami nag-umagahan. 

Maliwanag na sa buong paligid, tirik na rin ang araw. Nagsidatingan na rin ang iba pang mga ka-opisina ng aking kapatid sa napag-usapan nilang lugar sa La Union. Kumain lang kami, kaunting kwentuhan at nagpasya na ang lahat na pumunta sa isang isla sa Agoo na inirekumenda ng katrabaho ng aking kapatid na isang lokal ng La Union. 

Sa aming pagdating sa kinaroroonan ng mga bangkang aming sasakyan papunta sa isla, ay hindi ko mapigilan ang aking sarili na mamangha sa ibang dialektong sinasalita ng mga lokal ng Agoo, dahil na rin siguro sa nasanay ako na tagalog ang ginagamit at napapakinggan ko sa araw-araw. 


Sumakay na kami sa bangka, kalmado ang dagat kaya hindi ako gaanong nagalala, nagkwekentuhan din kami habang naglalayag ang bangka patungo sa isla kaya't nabawasan ang aking kaba at pagaalala sa kung anong posibleng manyari. Hindi rin naglaon ay nakarating na rin kami sa isla. Kaniya -kaniyang set up na ng tent, kaniya-kaniyang talunan na sa dagat. Natutuwa akong makita sila na para bang mga batang sabik na sabik at uhaw na uhaw sa dagat. Sa bagay, napag isip-isip ko na nagtratrabaho nga pala sila, pangtanggal stress din minsan ang pagbabakasyon dahil kahit sa kakaunting panaahon ay panandaliang natatanggal nito ang iyong isip sa lahat ng mga trabaho at isipin sa buhay.


Ilang oras din kaming nagtagal doon. Kumain, naligo, nagkwentuhan, hanggang sa nagkayayaan na na bumalik na sa mismong bayan para pumunta sa resort, para na rin makapagpahinga.




Wala na akong masyadong naalala sa mga sumunod na nangyari ang natatandaan ko lamang ay pumunta na kami sa isang resort na nagngangalang Inner Ville. Saktong-sakto ang pagdating namin doon dahil may nakahain na sa amin na pagkain. Matapos kong kumain ng tanghalian ay pumunta kami nina kuya Mikko sa bayan para kumain sa Mang Inasal. Naglibot pa kami ng kaunti sa may bilihan ng mga damit bago kami bumalik sa resort. Pagkapasok na pagkapasok ko sa aming kwarto ay nahiga na ako sa kama dahil sa sobrang antok. Madaling araw na ng magising ako, napagtanto ko na masyado palang mahaba ang tulog ko. Niyaya na ako ng aking kapatid na mag-almusal sa labas. Sumunod naman ako dahil sa ako'y gutom na rin dahil hindi na ako nakakain ng hapunan. Matapos naming kumain ay naggayak na rin kami ng aming mga gamit at nag-ayos ng aming mga sarili. Inilagay na namin ang aming mga gamit sa kotse.

Nasa loob ulit ako ng kotse, sa back seat. Katabi ulit ang dalawang ka-opisina ng aking kapatid. Hindi na ako nakakaramdam ng kahit anong lula dahil sa nakabawi ako ng tulog. Ganun pa rin, tahimik lamang akong nakaupo sa gilid habang nanonood ng aking g paboritong Series. Huminto ang aming sasakyan. Natanaw ko ang isang simbahan. sabi ni kuya Mikko ay magdasal daw muna kami para sa aming kaligtasan sa paglalakbay pabalik ng Maynila. Noong una parang ayaw ko pa pumasok dahil nakasuot ako ng short, pero pumasok na din ako dahil wala naman akong magiging kasama sa labas.

Sta. Monica Church


Matapos iyon ay nagtungo na kami sa isang kainan na malapit lamang sa may simbahan, ang Makkan. Sa totoo lamang ay maganda ang restaurant na ito, masarap ang pagkain at maayos ang serbisyong matatanggap mo dito.






Matapos kumain ay sumakay na ulit kami sa kotse. Maraming bagay na tumatakbo sa aking isip. Paano kaya kung hindi ako sumama sa aking kapatid papunta dito? Hindi ako makakakilala ng mga bagong tao. Hindi ako makakatikim ng ibang mga pagkain at higit sa lahat wala akong babauning bagong karanasan na mailalagay ko sa aking isip at puso. Mahabang oras nanaman ang iuupo ko sa back seat ng kotseng sinasakyan ko, nakatingin lamang ako sa labas at iniisip kung kailan ulit makakabalik sa lugar na ito . Oo, napaisip ako na sobrang haba nga ng biyahe, pero sa totoo lamang ay sulit na sulit naman ang pagpunta sa Agoo.

No comments:

Post a Comment